Saturday, September 4, 2010

DEKADA ’70

DEKADA ’70
(Ikaapat na Kabanata)
ni Luwalhati Bautista


Ang kabataan ay mulat sa mga suliraning pampulitika at panlipunan sa bansa ngunit hanggang kailan ang kanilng pakikisangkot.

NAKALUBOG ako sa mga kaabalahang napasukan ko ng Disyembre ‘on kaugnay ng nakatakdang kasal nina Gani’t Evelyn, pag-alis ni Em, at Paskong hindi ko na maantala ang pagdating, Kasabay nito’y nagtatangka akong mag-make up kay Gani sa pamomoroblema niya kay Evelyn at mag-make up kay Evelyn na pamomoroblema niya kay Gani. Baya’n mo na nga muna ang ibang anak ko, wala naman akong aalahanin sa kanila. Liban sa nawiwiling umalis si Jason dala ang kanyang bike, wala akong problema sa trese anyos kong ito. Nagkakaro’n nga ng mga aksidente sa bisekleta pero hindi sa subdibisyon namin. Safe sa subdibisyon namin.

At si Bingo? Ayun, do’n na naman siya nagsasaranggola sa bubong nina Lola Asyang. ‘Yan naman ang masama sa isang ‘to, napakahirap pagsabihan! Kabilin-bilinan kong iwasan ang bubong ng may bubong!..

“Bingo!”

“Andiyan na, Mommy!”

Hinatak ni Bingo pababa ang tali ng saranggola niya. Sinundan ko ng tingin ang sinulid papunta sa kakabit na saranggola: hindi ‘yon makulay na triyangulong papel na idinikit sa kawayan at may buntot pa mandin kundi isang kuwadradong pahina ng tila ata diyaryo lang na itinupi sa magkabilang gilid. Kawawa naman ang anak ko, ta-tsati-tsati lang ang saranggola. Pagpunta ko sa supermart, o dapat siguro, obligahin ko si Jules na igawa siya ng guryon.

Dati namang matiyaga si Jules kay Bingo. Pero lately yata ay lagi siyang may lakad. Pag nasa bahay naman ay nakakulong sa kuwarto. Lagi niyang sinasabi pag sinusundan siya ni Bingo: teka, mamaya na. Marami ‘kong assignment.

Baka naman sumusobra na’ng mga aralin ni Jules, a! Kung ba’t naman kasi sinabi nang h’wag mag-full load…

Gumewang-gewang ang saranggola ni Bingo, nawalan ng panimbang, at bumulusok sa harap ko. Sumabit ‘yon sa bakod ni Lola Asyang. Tinakbo ko ‘yon, sinambilat para pawalan, di sinasadyang nasabayan ng hatak ni Bingo, at napilas ‘yon at naiwan sa kamay ko. Nabilad sa mata ko ang pangmukhang mga salita sa manipis na puting papel, isang inimprentang balita pala ng leaflet na may titulong “Ang Bayan”.

Ang bayan… hindi na ‘ko tanga ngayon. Alam kong official paper ‘yon ng Communist Party of the Philippines. Kinalabutan ako. Kanino ‘to? Sa’n ‘to nakuha ni Bingo?

Nakababa na si Bingo mula sa bubong ni Lola Asyang.

“Tapon mo na, Mom! hiyaw niya. “ Sira na yan” dala ang sinulid na pauwi na siya.

“Bingo!”

Huminto si Bingo. Takbo ko halos palapit.

“San mo nakuha ‘to? Kanino to?”

Nagtaka siya. “Bakit?”

“Basta! Sa’n mo nakuha ‘to?

“Sa ‘tin.”

“Sa’ng lugar sa ‘tin?”

“Sa kuwarto ni Kuya Jules!”

Pero kanina ko pa naman talaga alam, na walang panggagalingan ang babasing ‘to kundi si Jules lang!

Nakaramdam ako ng paglalatang loob, ng matindi pero kauna-unawang pagkagalit ng isang ina.

NGAYO’Y kaharap ko na, eto lang sa ibabaw ng mesang sulatan ni Jules, ang mga karugtong ng papel na hawak ko, Page 2, sabi sa ulunan ng anim na pahinang papel na pinagkabit lang ng staple wire.

Binuklat ko ang mga kasamahan pa ng babasain na nasa mesa ni Jules . Liberation, isa pa ring newsletter. Photocopy ng ilang pahina ng Southeast Asia Chronicle. Kinopyang pahina ng Newsweek. Pawang may laman na titulo pa lang ay halata mo nang tumutuligsa sa batas militar, pumupuna sa ilang personahe ng gobyernong Pilipino, o tumatalakay sa pagkakatatag ng tinatawag nilang National Democratic Movement.

Ano ang ibig sabihin, may mga kopya nito sa pag-iingat ni Jules? “Come on, Amanda”; sabi ko sa sarili. Walang masama diyan, kung sa Newsweek ay t’yak na babasahing nagkalat lang sa downtown. Kung Southeast Asia Chronicle ay paniguradong nakapasok lang dito dahil may permiso ng gobyerno.

Pero, Ang Bayan? Hindi yata ako naniniwalang legal ‘to.

Malay mo, baka naman pinapayagan na rin ‘tong gobyerno para pasinungalingan ang bintang na wala na tayong press freedom.

H’wag kang tanga. Alam mong hindi basta magkaroon niyan si Jules!

Kinakabahan talaga ‘ko. Baka may iba na namang ginagawa si Jules.

Kakausapin ko siya.

Pero makikinig ba naman sa ‘kin yon?

Dapat, ‘yong ama niya’ng kumakausap sa kanya.

Pero hindi mahilig si Julian sa mga usapang pampulitika. Kung engineering pa sana ‘yon!

Kahit na. Basta kailangang kausapin niya si Jules!

Pero sabi ni Julian, “Loko talaga ‘yang anak mong ‘yan, e”

“Yan lang ba’ng sasabihin mo, loko ‘yong anak ko?”

Huminga nang malalim si Julian. “Nagbabasa lang naman ang anak mo, ano’ng masama ro’n? Estudyante ‘yong bata, gustong matuto. Pero so far, nananahimik na’ng mga estudyante, di ba? Wala nang mga rally-rally. Pagsasabihan ko’ng anak mo pag may dapat na ‘kong sabihin!”

“Julian …”

“Amanda, if you don’t mind … I’ve got work to do! Meaning, tapos na’ng usapan namin.

Pero di pa rin ako mapakali. At ipinasiya kong kahit ako, kakausapin ko si Jules.

Pero kailangan, alam ko’ng sasabihin ko sa kanya. Kailangan, matiyak ko muna na subersibo nga ang mga babasahing ‘to.

Kailangan, basahin ko muna ‘to.

“Hindi ang mga miyembro ng oil producing and exporting countries ang nagtatakda ng sobrang pagtaas ng presyo ng langis kundi ang mga oil companies na karamihay pag-aari ng Amerika.

Nangunot ang noo ko. Teka, ano ang subersibo rito?

“Kung ang isang bariles ng langis ay halagang sampung dolyar bago nag-1973, ang isang $1 ay napupunta sa bansang nagluluwas ng langis at samantalang ang $9 ay pinaghahatian ng mga langis at gobyerno ng kanya-kanyang bansa.

Hindi ko na pinag-iisipan kung ganon nga ba ‘yon.

Titulo: “Nalulugi Nga Ba ang mga Kompanya ng Langis?”

“Nangunguna ang Exxon sa mga industrial empires sa Estados Unidos.

“Ang Exxon, Gulf Oil at Mobil ay lagi nang nasa top 10 earners ayon sa Fortune Magazine, simula no’ng 1955.

“Nangunguna ang mga kompanya ng langis sa top 500 companies sa Estados Unidos.

Listahan ng mga tubo ng mga kompanya ng langis na pag-aari ng America, umaabot sa isang bilyong dolyar isang taon?

Ang tala sa ibaba ay ilan lang sa listahan ng mga empresang may dayuhang kapital (mula sa iba pang newsletter);

San Miguel Corp – Major Investors: Soriano, USA

Pepsi-Cola – Pepsi Cola International, USA

Carnation, Phil – Carnation, USA

Kraft Foods, Inc. – Kraft, USA

Purefoods Corp – Hormel International, USA

Ilan lang ‘yon. May kasanod pa ‘yon.

Sila ang tinatawag na mga multinational companies sa Pilipinas.

“Nagpapasok sila rito ng maliit na kapital at nangungutang ng bilyun-bilyong piso sa mga banko sa Pilipinas para makapagtayo ng negosyo rito. Dito rin nila ibenenta ang kanilang produkto pero ang daan-daang milyong piso na tinutubo ng kanilang mga kompanya ay inuuwi nila pagkatapos sa kanilang mga bansa.

Nag-isip ako. Hindi yata tama ‘yon, ano?

Uutangin nila ang pera natin, pagtutubuan sa atin, sa ilalabas ng bansa natin. Maghihirap nga tayo pag ganito nang ganito.

O baka naman ito na ang sinasabi ng mga aktibista na paghahakot ng Amerika sa kabuhayang-bansa ng Pilipinas?

Walang subersibo dito. Bakit magiging subersibo ang katotohanan?

Anu’t anuman, ang ibang artikulo ay kinabasahan ko na ng salitang one-man rule, puppetry, at dictorship. Ng NPA at rebolusyon. Sa ilalim ng batas militar huhulihin ka na niyan.

GABI na’y naro’n pa rin ako sa sala at naghihintay sa pagdating ni Jules, sa lugar na bahagya nang maabot ng ilaw sa komedor na siya kong iniwang bukas. Hindi sa ano pa mang pandramatikong epekto kaya pinatay ko ang ilaw sa sala.

“Nasisilaw lang ako sa pagkakahiga.”

“Ba’t diyan ka nakahiga?” usisa sa ‘kin ni Julian nang madaanan niya ‘ko.

“Hinihintay ko si Jules.”

“Darating din ‘yon”

Nagkibit lang siya ng balikat at pumasok na sa kuwarto.

Narinig ko ang maingat na pagbukas ng pinto kasunod ng klik ng susian.

“Ikaw na ba ‘yan, Jules?

“Hintakot ang sagot. “Bingo, Mom.”

Napabalikwas ako. “Bingo, ano pang ginagawa mo sa labas?”

“Narito na po ako sa loob.”

“Akyat na, sulong! At may dala ka pa manding susi!”

Dali-daling umakyat na nga si Bingo.

Pumalo ang pendulum ng relo. Labing isang ulit. Alas-onse na. Sus, mam’ya lang ay curfew na. Baka naman itong si Jules e hindi na naman uuwi!

Ilang ulit na niyang ginagawa ‘yong hindi pag-uwi. Tatawag na lang siya sa telepono. Mom, aabutan na ko ng curfew. Dito na ‘ko matutulog kina Danny.” O Luis. Minsa’y Tasyo.


Hindi ko nga pala naitatanong kung sinu-sino ang mga ‘yon. Bigla’y naisip ko kasunod nito: Oo nga pala, ba’t ni Minsa’y wala siyang sinasabi na do’n naman siya matutulog kina Willy? ‘Yon ang dating best friend niya, a! Nagkadip’rensiyahan kaya sila ni Willy?

Klik ang susian. Bumukas naman ang pinto.

“Jules?”

Sagot: “Mom?”

Nakahinga ‘ko nang maluwag. “Ginagabi ka.”

Wala nang sagot. Ni hindi niya binuksan ang ilaw. Nagtaka ‘ko na hindi man lang siya nagbukas ng ilaw. Dumeretso siya sa silid. Nakapasok na siya sa silid bago man lamang ako nakapagtanong kung kumain na siya.

Nagtaka si Jules. Hindi man, hindi ko naman uumpisahan agad ang pagkausap sa kanya. Itatanong ko lang kung kumain na siya. Ipaghahain ko siya, uupo ako sa harap niya habang kumakain siya. Kakausapin ko muna siya tungkol sa ibang mga bagay.

Kinatok ko ang pinto niyang nakalapat na agad. Pinihit ko pabukas ang seradura.

“Jules?”

Nakaupo siya sa gilid ng kama at nakayupyop ang mukha sa palad. Malungkot ang anyo ng nakalaylay na balikat niya. Nalulon sa tabi niya ang isang tabloid.

Napapagod siya, pasiya ko. Pasiya ko baka wala siya sa mood na makipag-usap. Saglit na nag-alaala ‘ko na baka wala ako sa timing.

Inabot ko ang tabloid. Binuksan. Hindi ito diyaryong Maynila, a Local paper ‘yon ng isang malayong komunidad.

Headline: NPA, NAPATAY SA ENGKUWENTRO

Binalingan ko si Jules. “Napapa’no ka? Masakit ba’ng ulo mo?”

Humikbi siya bilang sagot.

Binitiwan ko nang tuluyan ang tabloid. Hinarap ko na siyang tuluyan. “Jules?”

Nag-angat na siya ng mukha. Makirot at luhaan ang batang mukha ng aking si Jules!


“Bakit?” alalang-alala usisa ko.” Ang’ng nangyari sa ‘yo?”

Umiling siya at nagtangkang makailag. Kinagat niya ng mariin ang labi para pigilan ang isa pang hikbi. Pero hindi na nakapagsinungaling ang latay ng hapdi sa mata niya. Kumibot ang labi niya, Naginginig, at sa katal na boses, sinabi niya ang totoo.

“P-pinatay nila si Willy, Mom! Patay na si Willy!” sabay sabog ng iyak. Pahagulgol. Nakalulunos. Parang bata.

Niyakap ko si Jules. Hindi ko alam kung sinong ang tinutukoy niya, ang naiintindihan ko lang ay patay na si Willy … Si Willy na biglang naalala ko kanina lang… na kaibigan niya, matalik at minsa’y mas kapatid pa kung ituring kaysa kay Gani… pinatay!